Ngayong araw nagsimula ang enrollment, at katulad ng palaging nangyayari, kahit sa huling semester kong ito ay hindi ko pa rin kinayang tapusin ang proseso nang isang araw lang. (Ngayon naman dahil sa isang delingkwenteng propesor na hindi pa nilalabas ang mga marka namin sa klase niya. Pero ika nga ng adviser ko, "What's new?")
May nangyari naman sa akin sa UP kahit papaano. Nakuha ko 'yung mga papeles na kailangan, nakapagpalista ako sa huling kursong kailangan ko (Physics 200), at nakapagpagawa na ako kay Dr. Soriano ng sertipikasyong 9 units na lang ako ngayong semester (para sa Oblation Scholarship).
Pero dahil pumunta akong UP ngayon, nahatak ako ng mga batchmate sa Trinoma para mananghalian at manood ng Ikatlong Mataas na Paaralang Nauukol sa Tugtugin***. Pagkatapos ng sine ay biniro ko silang naiyak ako. Dahil siento-sitenta pesos at halos dalawang oras din ang nagastos ko. Natuwa naman ako sa ilang bahagi, pero sa kabuuan...
Ano pa ba. Pumunta kaming Toast Box pagkatapos. Nakakain ulit ako ng toast na may pork floss, sarap. Pagkatapos namin lahat magkape napasarap din ang tsismisan; pakiramdam ko nga ang ingay na namin (nila, haha) masyado. Pero baka ako lang 'yun, masyadong dinaramdam ang pag-iingay. Nung kailangan na naming umalis bigla kong na-miss 'yung Baguio na walang curfew curfew.
***nauukol sa tugtog รณ tugtugin: adj. musical.
Source: http://www.gutenberg.org/etext/20738
Originally published in 1915.
No comments:
Post a Comment