Sunday, October 26, 2008

Buhay Baguio: October 21-25, 2008.

Limang araw at apat na gabi sa Baguio: nakakapagod, magastos, pero sobrang saya. Hahayaan ko na 'yung mga iba kong kasamang mag-kwento nang mas detalyado, hehehe. Halu-halo na 'to, hindi ko na pagsusunurin nang maayos ang mga pangyayari. Basta. Makinig (magbasa) na lang kayo kung gusto niyo.

Ang ipinunta namin (kuno) sa Baguio ay ang conference ng Samahan ng Pisika sa Pilipinas (SPP). Pero ang nangyari naman talaga, nag-gala kami sa Baguio, tuluyang sinulit ang hotel, at nag-inuman gabi-gabi. (Kahit na hindi naman boring 'yung conference, siyempre kung ikukumpara sa mga iba pang mga pwedeng gawin sa Baguio, hindi rin siya ganun ka-exciting, pasensya na lang.)



Wala akong reklamo sa mga bus ng Victory Liner na sinakyan namin papunta at pabalik. Swabe naman ang biyahe, nakapag-usap naman kami ni Lei (na katabi ko sa biyaheng papunta) nang maayos. Okay lang din naman ang mga upuan nila, pero sabi ng iba naming mga kasamang napadpad sa may likuran, namamatay-matay ang aircon dun. Ah, basta, sa kinaupuan namin walang problema.



Maganda ang Bloomfield Hotel: bago, malinis, malapit na lakaran lang mula sa SM, UP Baguio, Session Road, Burnham Park, atbp. Mababait din ang mga staff. (Pero pangit ang Screwdriver nila sa bar, lasang matabang na orange juice lang. At siyempre medyo mahal rin ang binayaran namin, pero sa tingin ko nasulit naman.)

Maayos ang Executive Suite na kinuha namin. Tatlong bedroom, dalawang banyo, isang living area. Minahal namin ang sofa-bed kung saan naganap ang panginginom (at ang pamamato ng lobo at paluan ng unan).



Nakapagsuot ako ng leather jacket, halos gabi-gabi rin. Saan pa ba kasi magagamit yun dito sa Pilipinas kundi sa Baguio?



Nung isang gabi, nag-inuman ang halos buong batch sa Brew Yard, isang bar sa Nevada Square. Dalawampu't apat na katao, isang bandang game sa pagpapakanta kahit sa mga taga-Physics at 'di naman kagalingan (biro lang, Amarra, Fritz, Lei, Jorge, at Rica!). Special mention din dun sa mga natamaan nang todo: ang birthday boy na si Anthony, at ang mangiyak-ngiyak na si Rica (tungkol ba talaga saan 'yun, hmm?).



Iba-iba ang mga nasubukan namin. Nakakain ako ng pinikpikan, carabao milk yogurt, tortang talong na may kesong puti, sariwang gulay, mountain rice, at s'mores cake. Nakapag-jogging at boating kami sa Burnham. Bumisita kami sa mga Pink Sisters, sa Botanical Garden (medyo mahaba-habang lakaran ang naganap para dito), at sa Minesview. At, hindi pahuhuli, nakasubok kami ng strawberry wine, tapuy (rice wine), sari-saring cocktails, Kahlua, at Jack Daniel's. Nasubukan din naming mag-eat-and-run sa SPP: pumunta kami para sa merienda sa umaga, nag-SM, bumalik para sa tanghalian, pumuntang Minesview, at bumalik para sa Fellowship Night. (At, sige na nga, nasubukan ko ring malasing hanggang makatulog at magkulong sa banyo nang tatlong oras. Walanghiyang Gran Matador at Tanduay 'yan, sa banyo na nga ako natulog, masakit pa ulo ko kinabukasan.)



Sa dami ng mga napuntahan namin sa Baguio, para sa akin, ang naging pinakamasayang lugar sa mga ito ay ang suite namin pa rin. Doon, kami ay naglasing, nagkwentuhan (madalas hanggang madaling-araw), tumambay, at natulog (kahit na konti lang). Kaya maraming salamat sa mga batchmates at kaibigang nakasama ko sa suite: Amarra (special thanks sa 'yo para sa nilibre mong Kahlua, beer, cocktails, at Jack Daniel's), Laganapan, Lao, Lim (special thanks din para sa paghahanap sa Bloomfield Hotel), Mercado, at Suarez. (Special guests: Narag (tour guide!) at Uy.)



Saan ang next batch gimik? Siguraduhin nating may plano tayo pagkatapos ng graduation! Pero sa ngayon, pahinga muna, at ang unti-unting pagbabalik sa dating buhay.



P.S. Okay, that wasn't as hard as I thought. But it probably sounds a little weird to people who actually speak/write well in Filipino. (Lumalabas ang pagka-Atenista/Ex-Libris-UP-member kapag sinusubukan kong mag-Filipino, e.)

No comments:

Post a Comment